May posibilidad nga bang tanggapin ni Piolo Pascual sakaling may offer sa kaniya ang AMBS?
Sinagot ng Kapamilya actor na si Piolo Pascual ang tanong kung tatanggapin ba niya kung sakaling alukin siya ng proyekto para sa AMBS network na pagmamay-ari ng dating senador na si Manny Villar.
Kahapon ay naganap ang mediacon para sa ‘My Papa Pi’, kung saan makakasama ng nag-iisang Ultimate Heartthrob sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at ang hit comedian at versatile actor na si Pepe Herrera sa bagong palabas na ito mula sa Star Creatives at maging ang batikang direktor na si Cathy Garcia-Molina.
Hindi naiwasang matanong si Piolo sa posibilidad na alukin siya ng proyekto ng AMBS na ngayon ay okupado na ang frequency na dating hawak ng kanyang mother network na ABS-CBN.
“Kung hindi siya conflict sa shows ko sa ABS-CBN, I don’t think it’s gonna matter. [And] as long as the concept is good. Pero for now, I’m just gonna basking whatever I have right now with ABS-CBN because there’s so many shows that I’m working on. I don’t thing I have the time for that in the near future,” paliwanag ng aktor.

Isa ang “My Papa Pi” sa mga inaabangang bagong programa ng ABS-CBN ngayong 2022 dahil ito ang pagbabalik ni Piolo sa paggawa ng serye sa ABS-CBN mula pa noong 2020. Sweetcom kung tawagin ang kanyang bagong show na magpapangiti at magpapatibok ng puso ng mga manonood.
“It’s a nice breather. I even surprise myself dito sa show. Ang sarap having a solid cast and a director na fun. ‘Pag nakakapagpatawa ka o nakakapagbigay ng ligaya sa paligid mo it’s a nice feeling pabalik sa ‘yo,” ani Piolo sa kanyang bagong show.

Iikot ang kwento ng “My Papa Pi” sa buhay nina Pipoy (Piolo), isang single dad na nais mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak, ang kanyang kambal na si Popoy (Pepe), na may-ari ng sikat na tumbungan na “One More Tumbong,” at si Tere (Pia), isang babaeng may mabuting kalooban na one great love ni Popoy pero may pagtingin naman para kay Pipoy.
Hatid ang iba pang timpla sa kwento ang kanilang mga kasama sa Brgy. Gintong Tupa na gaganapin nina Joross Gamboa, Alora Sasam, Hyubs Azarcon, Katya Santos, Daisy Lopez o Madam Inutz, at ang breakout stars na sina Anthony Jennings at Daniela Stranner mula sa pelikulang “Love at First Stream.”

Sa “My Papa Pi,” handog nina Piolo, Pia, at Pepe, at buong cast, ang mga aral sa buhay, pag-ibig, pagkakaibigan, pagkakaisa, at second chances bukod sa kilig at saya na pangunahing sangkap sa recipe ng programa.
Ang sweetcom ay mapapanood tuwing Sabado ng 7 pm simula Marso 5 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC, at TFC.
Samantala, bukod pa sa sitcom, nakakasa na rin ang isa pang proyekto ni Piolo kung saan makakatambal niya ang bagong lipat na aktres mula sa kabilang network na si Lovi Poe. Ang “Flower of Evil” ay ang Pinoy adaptation ng hit Korean series na may parehong pamagat.
Piolo Pascual sinagot ang posibilidad na pag lipat niya sa AMBS sakaling offeran siya
Source: Babaero Balita


0 Comments