Papasiglahing muli nina Vilma Santos at Jacklyn Jose ang Indie Scene
Muling papasibulin ang indie film scene sa mga nalalapit na bagong proyekto mula sa batikang aktres na si Jaclyn Jose at ang planong pagbabalik-pelikula ng tinaguriang Star for All Seasons na si Vilma Santos, pagkatapos ng kanyang termino bilang congressional representative ng Lipa City.
Buong suporta ang ibinigay ni Jaclyn Jose sa unti-unting pagbabalik ng mga indie movies ngayong 2022 sa kamakailang paglulunsad ng kanyang bold suspense thriller na “Tahan” na tinatalakay ang bagong mukha ng prostitusyon.
Produced ng 3:16 Media Network, tampok rin sa pelikula sina JC Santos, Mercedes Cabral at ang rising star na si Cloe Barreto.
Sa direksyon ni Bobby Bonifacio, kasama rin sa pelikula ang writer-actress na sina Quinn Carrillo, Karl Medina, AJ Oteyza, EJ Salamante, Joseph San Jose at Stiff Banzon.

“Indie movies will always have a special place in my heart,“ saad ni Jaclyn sa ABS-CBN News sa event na naganap sa Quezon City.
“First time ko silang nakatrabaho, pero hindi po ako namimili ng katrabaho. Kasi minsan din akong naging baguhan,” ayon sa Cannes Film Festival best actress.

“Kung ano ‘yung binigay na support sa akin noon ng veteran stars, ganun din po ‘yung suporta at respeto na ibibigay ko sa mga baguhan. I will never get tired of working with the newcomers because I was once there.”
Sinabi rin ng producer na si John Bryan Diamante sa ABS-CBN News na inihahanda na rin ng 3:16 Media Network ang comeback movie ni Vilma Santos sa ilalim ng kanilang timon.

“Nag-usap na kami ni direk Joel Lamangan about the project,” Diamante said. “I share the excitement of movie fans looking forward to see the Star of all Seasons acting again. I hope that this can also revive the film industry now that the pandemic is easing up.”
Sa hiwalay na panayam noong Martes, kinumpirma ni Joel Lamangan sa ABS-CBN News na naglalatag siya ng napapanahong kuwento para kay Vilma, batay sa isang lokal na nobela. Ang konsepto ay lihim pa rin ngunit dahil sa pananaw ni Lamangan tungkol sa mga pakikipagsapalaran ng isang mature na babae, ito ay lubos na papatok kay Vilma at sa kanyang mga Vilmanians.
Proyekto ni Vilma Santos at Jaclyn Jose, muling magpapasigla sa Indie scene
Source: Babaero Balita


0 Comments